Isa Ang Anilao



Isa ang Anilao Batangas sa mga getaway places at kilalang lugar na hindi lamang bukas para sa mga turista na dumadayo sa ating bansa. Ito ay dinadayo rin ng mga Pilipino na nanggagaling pa sa ibang parte ng bansa. Kilala ang Anilao Batangas sa mga diving spots o areas na matatagpuan dito at iba’t ibang magagandang isla na mapupuntahan dito.


Maliban sa mga diving spots, kilala rin ang Anilao Batangas sa mga seafood na makakain dito na  hindi pangkaraniwan. Isa sa mga matatagpuang seafood dito na hindi pangkaraniwan ay ang "sea-urchin".  Noong kami ay nagpunta dito, iba't ibang turista tulad na lamang ng mga Hapon at Koreano ang aming nakikitang nagdidiving para manghuli at kumain ng sea-urchin.



Nagpunta ang aking pamilya sa Anilao Batangas dahil naisipan namin na ibahin naman ang aming destinasyon sa pangkaraniwang pinupuntahan ng mga tao tuwing bakasyon. Kami ay nagpunta dito hindi dahil kami ay mahilig magdiving, kung hindi para makalayo sa teknolohiya at polusyon sa Maynila. Nakahanap kami ng isang hotel na tago at madaming nagsabi na napakaganda dito. Kami ay nakarating sa aming hotel sa pamamagitan lamang ng pagtatanong at isang mapa, at matapos ang dalawang oras ng byahe at paghahanap, nakarating rin kami sa aming destinasyon.

Kami ay tumuloy sa hotel na "Eagle Point Resort" ng tatlong araw. Ito ay hindi tulad ng pangkaraniwang hotel na makikita natin palagi. Bago ka makarating dito, sasakay ka muna sa isang maliit na sasakyan at sila mismo ang maghahatid sayo dahil isang napakatarik na bangin ang inyong dadaanan.



Ang hotel na ito ay malayo sa ingay, polusyon, at teknolihiya dahil mahina lamang ang signal dito. Pagdating naming sa hotel, sinalubong agad kami ng mga mababait na staff at agad inasikaso ang aming mga kwarto na tutulugan. Kami ay pinapili kung sa cottage room o hotel room ba ang aming gusto. Ang aming nakuha ay isang hotel room na mayroong view sa dagat at shark pool. 








Sa aming pagikot-ikot, nakakita kami ng iba’t-ibang uri ng mga agila na matatagpuan sa Pilipinas. Sa lobby, mayroon ka namang makikilalang isang palakaibigang ibon. Ang mga tao naman na tumutuloy dito ay palakaibigan rin. 










Maliban sa nakakabighni at kakaibang tanawin na makikita dito, ang Eagle Point Resort ay hindi katulad ng mga normal na beach resort. Tulad nga ng aking sinabi, ang Anilao Batangas ay kilala sa mga diving spots at hindi katulad ng mga pangkaraniwang hotel resort na may buhangin sa dagat, ang aming tinuluyan ay walang buhangin. Ito ay pinalilibutan ng mga batong buhay na mas malaki pa sa tao at mga corals na makikita kaagad na may naninirahang napakaraming isda.



Isa sa mga nagustuhan ko sa resort na ito ay ang kanilang mga pagkain. Ang kanilang restaurant ay bukas at mayroong mga napakalaking bintana na nagpapakita sa napakagandang tanawin. Ang kanilang mga hinahain ay mga pagkaing Pilipino at mayroon naming lounge bar kung gusto mo mag relax o uminom ng pangpalamig.































Sa aming pagtuloy dito, kami ay nag snorkling sa tabing dagat. Dito namin nakita ang iba't ibang uri ng corals at isda. Mayroon kaming nakilalang isang napakabait na lalaki habang kami ay nag ssnorkling. Sya ang nagturo samin kung saan matatagpuan ang napakalaking perlas sa dagat. Ngunit, dahil lumulubog na ang araw, hindi na namin ito nakita. Sa huli lang namin nalaman na ang lalaking ito ay ang manager pala ng hotel.