Undiscovered Gem: The City of Bukidnon




            Madalas nakakatanggap ang Bukidnon, isang probinsya sa Northern Mindanao na ang kabisera ay Malaybalay, ng mga panlalait sapagkat itinuri itong kabundukan o hindi kaya ay isang mababang lugar lamang. Ngunit kung mapapansin natin, ang madalas lumalait sa probinsyang ito ay ang mga taong hindi pa nakakapunta. Bakit hindi muna subukang pag-aralan o hindi kaya ay puntahan ang lugar na ito?

            Lumaki ako sa syudad at kahit isang beses, hindi ko magawang laitin ang Bukidnon sapagkat nabibighani ako sa ganda ng paligid. Madalas kaming pumupunta ng aking pamilya sa lugar na ito dahil nagugustuhan namin ang kalikasan at ang lamig ng temperatura. Ang sarap sa mata ng berde mula sa mga puno at halaman na makikita.


            Ang Bukidnon ay dahan-dahan ng nagkakaroon ng mga tourist spots na mas lalong ipinapakita ang tunay na kagandahan ng lugar. Sa tuwing bumabiyahe kami ng aking pamilya, hindi namin magawang lagpasan ang Overview Park na matatagpuan sa Kitaotao, Bukidnon. Madalas itong nagiging stop-over ng mga bumabiyahe sapagkat nasa kalagitnaan lamang ito ng Davao-Buda National Highway. Malamig sa lugar na ito at nakikita mula sa tuktok ang nakakabighaning tanawin ng Bukidnon. May mga istatwa ring itinayo at mga bahay-bahayan na mistulang cottages dahil sa istraktura nito. Mula sa mga istatwa at mga bahay-bahayan, mahahagilap ng mga manlalakbay at turista ang kultura ng Bukidnon

          Isa sa mga paborito ko at ng aking pamilya ang Dahilayan Forest Park na matatagpuan sa Manolo Fortich, Bukidnon. Ngunit bago makarating doon, madadaan ang napakahabang daan na ito na pinapalibutan ng mga patlang ng pinya at isa ito sa mga nakakamangha sa Bukidnon. Kadalasan sa mga pinya na mabibili sa iba’t ibang syudad na nasa Mindanao ay nanggagaling sa Bukidnon sapagkat tunay na matamis at malasa ang mga inaalagaan at pinapabungang pinya rito.

     Ang Dahilayan Forest Park ay tanyag na sa buong Pilipinas sapagkat madalas itong ipinapakita sa telebisyon at mga anunsyo. Malamig ang temperatura sa lugar na ito at dito rin matatagpuan ang Asia’s 1st Longest Dual Zipline na may habang 840m. Hindi lang zipline ang mayroon sa Forest Park na ito, kung hindi ay may iba’t ibang adventure rides din. Maaari ka rin mag overnight dito sapagkat may mistulang hotel na nasa loob. Bagay sa buong pamilya at magkakaibigan ang lugar na ito. Hindi ka magsasawa dahil mararamdaman mo ang tunay na saya sa loob.

            May palaruan din sa loob ng Dahilayan Forest Park at makikita sa litratong ito na nasa isang swing ako kasama ang aking dalawang Tito. Mistulang nakakatawa ngunit masaya kaming tatlo. Ito ang nakakatuwa sa Dahilayan Forest Park; parang babalik ka sa iyong pagkabata at mawawalan ng pakialam sa mga sasabin ng ibang tao sa kadahilanang masaya ka at iyon lamang ang mahalaga. Talagang nakakatibay ng pagsasama ang ganitong lugar.


                     Isa rin sa mga gusto ko sa Forest Park na ito ang kung paano nila dinisenyo ang buong lugar at paligid. Makikita sa litratong ito ang malaking FOREST PARK na gawa lamang sa bato na ipinagtabi-tabi. Makikita rin ang trampoline na isa pa sa mga maaaring gawin sa Dahilayan. May Zorbit din dito na nakakahilo, ngunit nakakaaliw sapagkat papasok ka sa loob ng malaking parang bola at gugulong-gulong. Mayroon ding wall climbing kaya naman ay mistulang hindi ka mawawalan ng mga gawain dito. Marami mang inilagay na mga iba’t ibang kaaliwan, hindi pa rin tinggal ang magandang tanawin ng Bukidnon.

            Hindi lamang ang Overview Park at Dahilayan Forest Park ang matatagpuan sa napakagandang Bukidnon, ngunit may iba pa at gustong-gusto ko itong matuklasan isa-isa. Ang Bukidnon ay sagana sa kalikasan, kaya naman ay hindi ka magdadalawang isip na dumayo dito para mag-relax at magpalamig ng panandalian sa napaka-ingay at napaka-init na syudad. Dito, matutuklasan mo ang mga iba’t ibang tanawin at matututunan mong pahalagahan ang kalikasan dahil mistulang kakausapin at yayakapin ka ng ganda nito.


                    Sana matutunan nating mahalin ang sariling atin at huwag natin ihiwalay ang iba’t ibang probinsya na nakapaloob sa ating sariling bansa dahil may mga magagawa ang mga ito para sa ating turismo. Ilagay natin sa ating isipan na kahit gaano man kaliit ang isang lugar, bahagi pa rin ito sa atin sa kabuuan dahil tayo ay isang bansa at dapat magka-isa. Bigyan natin ng pagkakataon ang maliliit at hindi pa masyadong nadidiskubreng mga probinsya tulad na lamang ng Bukidnon sapagkat kayang ibahagi ng mga ito ang kagandahan ng kalikasan ng Pilipinas.

Popular Posts